Pa-cute ni Pogi — hindi kinagat

Nilangaw sa takilya.

Ganyan ang naging ending ng privilege speech ni Sen. Bong Revilla na kanyang pinakawalan noong isang araw.

Ang inaasahang pasabog ng senador ay punung-puno lamang ng pakwela at paninira sa mga whistleblower at sa ilang opisyales ng gobyerno.

Para sa kampo ni Mr. Kwela, patok ang talumpati niya: may mga gimik tulad ng laruang truck na umaapaw sa papeles… mga palayaw sa kung kani-kanino… phone video na wala namang saysay… ilang timbang luha mula sa kanyang pamilya.

At nagbanta pang may pasabog ulit sa darating na linggo.

Nalimutan ni Revilla na matindi pa rin ang galit ng taong-bayan sa pork barrel scam na nadaganan (pero hindi natabunan) ng bagyong Yolanda.

Ang hanap ng marami sa privilege speech ay malinaw at hustong paliwanag kung bakit inosente ang senador sa mga paratang sa kanya hinggil sa konek niya kay Napoles at sa pork barrel scam.

Hindi showbiz gimik.

***

Bagong uso? “In” ngayon sa ating mga pulitiko — ang pagdalaw kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na naka-hospital arrest mula pa noong Nobyembre, 2011.

May binabalak ba sila?

Parang dedma lang ang Malacañang sa sunud-sunod na pagpasyal sa Veterans Hospital nina dating Presidente Joseph Estrada, dating Vice President Noli de Castro, dating First Lady Imelda Marcos at marami pang iba.

Posible kayang alam nila ang pinagtsitsismisan ng mga VIP?

Sa mga panahong ito na may mga CCTV na sing-nipis ng toothpick, hindi na kataka-taka.

Ingat na lang sa tsismisan. Baka may nakikinig na Boy Pikon.

***

Tahimik pero puspusan ang kayod.

‘Yan ang PARR (Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery) — kayod ang tanggapan, kayod maging ang pinuno nitong si Secretary Ping Lacson.

Walang tigil ang dating ng mga dayuhang gustong tulungan ang PARR sa pagbangon ng mga lugar na hinagupit ng super typhoon Yolanda.

Tulong na walang kapalit.

May isang grupo nga ng mga Koreano na nag-alok ng libreng paggamit ng ilang dosenang backhoe — kasama pa pati mga operator nito.

Walang bayad.

Picture-picture lang kasama si Sec. Ping… okay na raw.

***

Huling hirit. Nakakalokong climate change: noong isang gabi, mas maginaw pa sa Maynila kaysa sa Los Angeles… mabilis lang magpa-renew ng passport — ang napakatagal ay ang pagkuha ng kinakailangang NBI clearance pagkat ilang kilometro ang haba ng pila… akala ng mga entertainer natin na sila ang makikinabang sa sunud-sunod na pagbukas ng mga casino. Mali. Dumagsa pa lalo ang mga foreign entertainers. Ang lungkot.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s